Prinza..
Prinza, ang bago naming assignment sa TP. Bilang isang manunulat, tungkulin kong sumulat ng feature article na binubuo ng 400 na salitaa tungkol sa nasabing, lugar? Bagay? Hayop? Kung maririnig mo ang salitang ito sa unang pagkakataon, ano ang iisipin mo? Kung hindi mo alam, wag ka magalala dahil di ka nagiisa kaibigang oso.
Sa pangalan pa lang nito mababaliw ka talaga sa kakaisip kung ano ito. Tunog pa lang, parang cartoon character sa kung anong di malaman na palabas. Tulad ng mga ginagawa ng mga siyentipiko, naisipan kong magresearch, na sa kasong ito, maari rin natin tawaging pagtatanong. Hindi naging madali dahil sa ginawa kong pagtatanong, tila walang nakakalaam kung ano talaga ang Prinza. Ang mga karaniwang sagot sa tanong kong, “tol, lam mo yung prinza?” ay; saan un?, ano un?, ha?, ung kalaban ni Goku? At may nagmarunong pang nagsabi na isa daw itong park at madalas puntahan ng tao, kung isa akong typical na kolehiyo, ang isasagot ko ay”like duhhh!!”, pero dahil sa hindi ko rin alam, umoo na lang ng labas sa ilong, at umaalis para maghanap ng baliw na makakausap.
Masuwerte pa rin ako dahil hindi baliw ang nakita ko, kundi isang kaibigang kaklase ko nung hayskul, na ngayon ay parehas kaming college “pa rin” sa pinapasukang paaralan. Nabanggit ko ang pagsali ko sa the perpetualite(pahayagang pampaaralan), pati na rin ang tungkol sa Prinza. Sinabi niyang daanan ito nanagdudugtong sa Cavite at Las Piñas. Pakiramdam ko nung mga sandaling iyon ay biglang lumiwanag ang paligid, at nagkantahan ang mga anghel ng “Hallelujah”. Prinza ang huli naming napagusapan, kinailangan naming maghiwalay na dahil gabi na at hindi naman kami parehas ng inuuwiang lugar.
Sa paguusap na iyon, nalaman ko ang Prinza pala ay isang daanan na nagdudugtong sa Cavite at Las Piñas, para sa akin isa itong “shortcut”. Di ako nag-aksaya ng panahon na tanungin ang ilang taga cavite na kakilala ko tungkol dito. Sabi nila, ang Prinza daw ay; mabula, maraming tao, may ilog, at ang mahalaga sa lahat, 7Php lang ang pamasahe mula sa UPHSD.
Malinaw para sa akin na ang Prinza ay nagdudugtong sa dalawang siyudad, pero lalo yata akong naguluhan sa mga paglalarawan na ibinigay sa akin ng mga taong naturingang araw-araw dumadaan dito. Sinubukan kong magsulat ng article base sa mga impormasyong nakalap ko, at ito ang kinalabasan;
“Masayang tumawid sa Prinza, dahil shortcut ito galing Las Piñas papuntang Cavite. Maraming tao dahil pinapanood nila ang mga bula, at paboritong daanan ng mga taga-perpetual dahil bukod sa may ilog dito, 7Php lang ang pamasahe mula dito papuntang UPHSD”.
Hindi magaan ang aking pakiramdam sa mga naisulat, lalo na nung basahin ko ito at napagtantuhang nagmukha palang pahayag sa SONA ang nilalaman nito. Inamin kong Kulang sa impormasyon, payat ang nilalaman, at baka magdulot pa ng pag-aaklas ng mga magsasaka, na siya namang maging sanhi ng pagkamatay ko bilang bayani, ang mga naisulat ko.
Pansamantala kong itnigil ang kahibangan.
Sumunod na araw, Nawala bigla lahat. Sa dami ng inaalala ko, nalimutan ko na ring simulang alalahanin ulit ang Prinza. Nagsabaysabay kasi ang trabaho at mga exams sa paaralan. Kasama na rin siguro ang dahilang matagal pa naman ang pasahan.Lumipas pa ang mga araw, at burado na ang Prinza sa isip ko. Kasama nito nawala ang gana kong magsulat tungkol dito pati na rin mga katiting na bagay na nalalaman ko tungkol dito.
Sa kalagitnaan ng “Prelim week”, naisipang pumunta ng ilang staff sa Prinza, upang magshoot, hindi ng bola, kundi mga litrato. Sobrang suwerte ko dahil isang oras na lang exam ko na, at makikiusap pa ako sa prof ko na bigyan ako ng special exam. Inisip ko na lang na bayani ako at nagpasyang sumama sa staff papuntang Prinza.
Mainit ang panahon, dahil tanghaling tapat naming napagpasyahang pumunta sa Prinza. Nilakad namin mula Ocampo papuntang BF Las Piñas upang sumakay ng tricycle papunta dito. Pawis na pawis na ako bago pa makasakay ng “tricycle”. Bigla akong nag-alala, dahil kung maraming tao sa Prinza, baka makasalubong ko si Anne Curtis sa Prinza nung araw na yun at makita niyang pawis na pawis ako. Diyahe!
Malapit lang ang Prinza, limang minuto lang ang biyahe mula labasan ng BF papunta dito, kaya naman hindi pa tapos ang pagaalala k okay Anne Curtis, sinisingil na ako ng drayber ng Tricycle na sinasakyan namin. Eto pala ang Prinza.
Ang sikat na Prinzang tinatawag ay isa palang ilog, at kung gaano man ito kahaba, assignment niyo na yun. Ang parte ng Prinza na napuntahan naming ay nasasakop ng Cavite. Pagbaba ng tricycle, maririnig mo na umaagos na tubig, na kapag pumasok ka sa entrance nito, bayad ka muna ng dos, bago mo Makita na dam pala ito. Tama, ang Prinzang tinutukoy ng karamihan sa mga estudyante sa perpetual, o ng ibang taong nagnanais mapabilis ang biyahe ay isa palang dam.
May maliit na bibig ang prinza dam kumpara sa iba, dahil di rin naman kalakihan ang ilog na hinaharang nito. Ang ay malalim, umaagos din ang tubig nito sa bibig, kaya kung titingnan mo ang kabilang parte ng dam, punong pno ito ng bula. Bula na nagmumula sa dumi ng tubig? Maari ngang ganun.
Ang pinakasikat na parte ng dam ay ang bibig nito, sapagkat ito ang nagsisilbing tawiran mula LP papuntang cavite, na may layo lang yatang 30 metro. Classic ang paraan ng pagtawid, dahil bukod sa dadaan ka sa mismong malumot na parte ng dam, sasakay ka rin ng kakaibang karitelang tinutulak ni manong. Kakaiba rin ang view, dahil kung sa labasan ay mga bus at jeep ang makikita mo, dito, natural, lagaslas ng tubig sa kanan, at malalim na katawan ng tubig sa kaliwa, pipili ka na lang kung alin ang mas jologs na paraan ng pagpapakamatay. Luma na ang dam dahil panahon pa ng kastila nung itayo ito. Makikitang sa entrance pa lang, kakaibang bato na ang ginamit. Nakakalungkot isipin na ang tunay na silbi ng dam na ito ay irigasyon para sa magsasaka ng ilang parte ng Cavite na ngayon ay nagsisilbi na lang tawiran, at wala nang iba pang gamit dahil sa napakarumi na nito.
Kasabay ng pagunlad ng siyudad ang pagdumi ng dam. Isa na rin siguro sa nakadagdag ng polusyon sa dam ang maliit na komunidad sa paligid nito. May tao, bahay, at mga batang minsan may salawal. Habang tinatawid naming ang dam, di ko naiwasang maging emosyonal(emo) at magtanong sa sarili kung ano ang dating itsura ng ilog dito, at kung ilang bayani na rin ang dumaan dito at kung meron nga ba? kakaiba ang pakiramdam ko nung mga sandaling nasa Prinza ako, Marahil siguro ay isa akong mangmang na ngayon lang nakatawid sa bibig ng dam, o dahil ngayon lang ako nakakita ng dam. Mistulang dam mismo ang nararamdamaang kong nagkukuwento sa akin ng mga pangayari.
May 15 minuto lang din kami sa Prinza, pero sa saglit na karanasang iyon, naging malinaw na sa akin kung ano ito. Masaya, dahil napuntahan ko ang isang maituturing na makasaysayang lugar sa gitna ng isang maunlad na bayan. Nakakalungkot lang dahil, para sa mga pag-asa ng bayan na dumadaan dito, isa lang itong nakakatuwang tawiran, lingid sa kaalaman ang tunay na dahilan ng pagkakabuo ng Dam ng Prinza.
Friday, July 31, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)